Kwentong Kayumangi # 2: Ayon sa aming High School Year Book

August 8, 2008

in Kwentong Kayumangi, Life

highschool
Mula sa aming High School Year Book*

Ang bilis ng takbo ng panahon. Nakaisang linggo na pala simula nang unang panulat ko ng Kwentong Kayumanggi. Maswerteng petsa daw ngayon, Agosto 8, 2008 (8-8-8). Kumusta naman ang byernes mo?

Ilang buwan na ang nakararaan nang napanood ko ang mga bata sa isang patimpalak sa isang pananghaliang programa sa telebisyon. Tinanong sila kung ano ang mga pangarap nila paglaki.

Kalahok # 1: Gusto kong maging politiko para makatulong sa ating bansa.
Kalahok # 2: Gusto kong maging doktor upang maging manggagamot.
Kalahok # 3: Gusto kong maging abogado para ipagtanggol ang mga naaapi.
Kalahok # 4: Gusto kong maging mayaman. Mag aaral ako ng Dalubhasa ng Pagtutuos (BS Accountancy).

Napangiti ako sa mga sagot nila, lalo na sa sagot ng ika-apat na kalahok. Ganoon nga ba iyon? Kung gustong maging mayaman ng isang tao, iyon ba dapat ang maging propesyon niya? O masasabi nating hindi garantiya kung ano ang tinapos na kurso para sa matiwasay na kinabukasan.  Pagkatapos ng kolehiyo, anuman ang kurso mo, doon nagsisimula ang hamon ng buhay. Ikaw ang guguhit ng iyong kapalaran.

Marami akong naalala nang napanood ko ang mga batang ito. Nagunita ko ang mga naging pangarap ko sa buhay. Noong nasa unang baitang ako sa elementarya, sa tuwing tinatanong ako kung ano ang gusto ko paglaki ko: ang palagi kong sagot ay maging isang guro. Siguro nang mga panahong iyon, nakita kong maganda silang ehemplo. Iyon din ang yugtong nagsimula na akong magkaroon ng pangalawang tahanan, ang paaralan.

Nang lumaon ay nagbago ang ambisyon ko. Ginusto ko namang maging isang mananahi. Isinasama kasi ako ng lola ko sa bahay ng mananahi ng kanyang daster, kobre kama, at iba pa. Hangang hanga ako habang pinapanood ko si Aling ____ (nakalimutan ko na ang kanyang pangalan) na pumadyak ng makina. Nang mga panahong iyon, hindi ko iniisip kung ikakayaman ko ba ang pananahi. At hindi ko rin alam kung susuportahan ng mga magulang ko ang ambisyon na iyon.

Nang ako ay nasa huling baitang na ng elementarya, pinangarap ko namang maging isang madre. Marahil ay masyado akong nadala sa mga pagtuturo ng Katesismo sa simbahan at sa aming paaralan. Nagsumite ako ng aplikasyon na makapag aral bilang iskolar sa isang esklusibong paaralan ng mga babae para sa haiskul, kung saan ang iba ay tumutuloy sa pagmamadre. Ang aplikasyon ko ay naaprubahan at handa na ako para sa pagsama sa mga namamahala ng eskuwelahan. Taunan lamang ako maaaring umuwi, sarili ko lamang ang aking dadalhin, at hindi ipahihintulot ang regular na komunikasyon sa labas at pagbisita. Ilang linggo bago ang aking pag alis, umurong ang aking pamilya (at ako na rin) sa desisyong ito.  Alam ko, nadismaya ang mga namamahala ng paaralan.  Patawad muli.

Nang inaayos na ang aming High Schook Year Book, inatasan kaming ibigay ang aming ambisyon para sa hinaharap, ang ninanais na propesyon nang mga panahong iyon. Magulo ang isip ko noon. Hindi ko alam ang aking sasabihin at ipalalagay sa Year Book. Sa mga estudyante, ako lamang ang naglagay ng mahabang sagot (tatlong propesyon, gaya ng nakalimbag sa larawan sa taas).

Ayon sa aming High School Year Book, ginusto kong maging tagapagtuos (accountant), kemiko (chemist), at manunulat (journalist). Hahaha. Bakit ang dami? Sapagkat nang mga panahong iyon, magulo ang isip ko. Ako ay kumuha ng pagsusulit sa Department of Science and Technology (DOST) para maging iskolar.  At ang aking kursong inilagay ay BS Chemistry, sa ilalim ng impluwensya (pangangaral pala) ng aking nanay.  Sapagkat iyon ang kursong kanyang tinapos. Ngunit ang masidhing pangarap ko noon ay maging isang manunulat at/o maging mamamahayag. Sapagkat ako ay aktibo noon sa pagsulat sa dyaryo ng aming paaralan. Kung kaya nang ako ay kumuha ng UPCAT, ang kursong inilagay ko ay BS Journalism at BS European Languages. Subalit ang ambisyong ito ay tinutulan ng aking mga magulang. Ano daw ang aking mapapala? Depende kase iyan sa oryentasyon. Hind ko sila kinuwestyon sa gusto nila. Pero hindi rin nila ako kinuwestyon nang tumanggi ako na mag aral ng Chemistry (nagustuhan ko ang asignaturang ito subalit hindi para maging propesyon ko). Kung tatanungin mo ako kung bakit ipinalagay ko sa Year Book na gusto kong maging tagapagtuos (Accountant), hindi ko alam. Weirdo.

Kung kaya’t tadhana na ang nagdesisyon kung ano ang naging kurso ko sa kolehiyo. Sapagkat ako ay exempted sa pagkuha ng pagsusulit sa Pamantasan, pumila na lamang ako sa Registrar noong araw ng enrollment. Ang haba ng pila at ang unang proseso ay ang pagtatanong sa amin kung anong kurso ang kukunin upang mailagay sa registration form. Hay. Hindi ko alam ang isasagot ko. Ayoko namang mapaalis sa pila at ulitin ito. Narinig ko ang sagot ng sinundan ko, “BS Accountancy”. E di sige, ginaya ko. Iyan ang istorya kung bakit iyan ang natapos ko noong Kolehiyo.

Binalikan ko ang pahina ng Class Prophecy sa aming High School Year Book. Nakalagay doon ang senaryo ng pagkikita kita naming magkakaeskuwela pagkatapos ng isang dekada. Ang iba ay naging doktor, abogado, at iba pa… ang kwento ay ayon sa aming mga ambisyon na nakalagay sa Year Book. At ang sabi, ako raw ay Chief Accountant ng chain of malls. Hahaha. Kita mo nga naman, hindi nila kinunsidera na ako ay maging manunulat o kaya’y kemiko. Imbes na maging Chief Accountant, ako ngayon ay taga suri (auditor) nila, tagasuri ng mga mga pinuno, empleyado at nang iba’t ibang kompanya. Ang buhay nga naman.

Ano na ang nangyari sa aking ibang pangarap? Syempre, hindi ako naging madre. Pero nasubukan kong tumira sa kumbento nang ako ay nadestino na magsuri (audit) doon. Hindi ako naging isang guro, subalit ako ay naging tagapagturo sa panahon ng pagsasanay (training). Hindi ako naging mananahi, ngunit ako ay nakapagtahi ng sisidlan (bag) at damit,at naging mahusay sa paggagantsilyo (crocheting) noong Home Economics class noong haiskul. Hindi ako naging kemiko (chemist), pero mahilig pa rin ako magbasa ng libro ng syensya. At higit sa lahat, hindi ako naging manunulat, pero isa na ako ngayong blogger. Hahaha.  Dream came true.  Ang aking realisasyon, kung anuman ang aking propesyon ngayon. Ito ang aking takda at masaya ako sa larangang ito.

Mabibilang ang mga taong kung ano ang unang pangarap mula pagkabata ay hindi nagbago hanggang sa siya ay tumanda at ito ay kanyang nakamit. Hindi masamang magpalit ng ambisyon ng maraming beses, ang importante ay may layunin. Ang mga pangarap, simple man o kumplikado, panandalian o pangmatagalan, ang nagbibigay kulay sa ating pang araw araw na buhay.

Ikaw, ano ang mga naging pangarap mo mula pagkabata? Kung bibigyan ka ng pagkakataon, gusto mo bang palitan ang larangang kinabibilangan mo ngayon?

*intensyonal kong pinalabo

 

Share/Save/Bookmark

{ 1 trackback }

For my cousin L | wits and nuts
11.05.08 at 8:54 am

{ 9 comments… read them below or add one }

Lorraine 08.09.08 at 12:21 am

Pareho pala tayo. Bago mag kolehiyo, tatlong kurso din pinagpilian ko at nilagay ko sa application forms: Accountancy, Journalism at Political Science (gusto ko ding maging abogado dati). Simula bata hanggang pangatlong taon sa mataas na paaralan, madalas ko sabihin na gusto kong maging manggagamot. Subalit, takot ako sa dugo at pakiwari ko ako’y nasasaktan pag may nakikita akong may sakit o kaya sugat, di ko na itinuloy yung pangarap kong yun. Nagtanong tanong ako sa mga kaklase ko, at marami ang nagsabi na madali lang ung Accountancy, kaya isa yun sa pinagpilian ko. =)

witsandnuts Reply:

Ganun yata talaga sanga sanga (crossroads) ang desisyon bago magkolehiyo. Nagustuhan ko din ang Political Science/Philosophy noong kolehiyo na. Hmmm, naisip ko kung naging doktora ka. Bagay din. :)

lei 08.09.08 at 7:22 am

hahaha. halos pareho pala tayo ng karanasan. ako naman mag-aaral sana sa up baguio pero hindi ako pinayagan ng tatay ko kasi malalayo ako. hihinto muna sana ko kasi hindi na ako kumuha ng pagsusuri sa ibang paaralan. nalaman ko na lang sa isang kaibigan na sa ccp-central colleges of the philippines basta ang marka mo ay 85 pataas hindi na kailangan kumuha ng pagsusuri. pasukan na nun kaya ang mga nagpapatala yung mga pasaway na mga “old students” kaya ang haba ng pila kung gusto mong arkitektura (eto kasi ang napili kong kurso nung mga oras na yun) kasi isa lang yung “adviser”.

pumila ako dun sa “bs compsci” kasi mas konti ang pila at apat pa ang “adviser”. tanghali na kasi nun kaya nagmamadali na din ako. sa isip ko pwede naman “mag-shift”. pero tinapos ko pa din ang kursong pinilahan ko. hehe.

nang makatapos naman ako ay nakagpagtrabaho ako agad kaya yung plano ko sana na kumuha ng pangalawang kurso, yung kursong gusto ko talaga.. hindi ko na naisakatuparan.

maayos naman ang buhay ko ngayon dahil may hanapbuhay naman pero kung papapiliin ako kung pwedeng ibalik ang panahon. mag-aaral ulit ako. pwede pa naman siguro kung mabibigyan ako ng pagkakataon, panahon at “budget”

maiba ko, napansin ko sa “id” mo ang kaarawan mo ay july 17. yan ang unang araw ko sa una kong trabaho. labintatlong taon na ang nakalipas. hahaha. may “post” pala ko tungkol dyan, yung pangalawa sa huli.

leis last blog post..nanood ako ng sine :D

witsandnuts Reply:

Naalala ko napapanahon nga dati ang kursong Computer Science. Malaking bahagi ang ating mga magulang sa ating pagdedesisyon, lalo na nung haiskul pa lang tayo. Hindi rin maiiwasan na maisip natin kung ano nga kaya ang buhay natin kung tayo ay nasa ibang larangan.

Nabasa ko ang panulat mo tungkol sa July 17. Kasabay pala ng petsa ng kaarawan ko ang ‘hiring date’ mo. ;)

caryn 08.09.08 at 3:23 pm

hey, i just wrote about a similar topic in my blog ;-) we must be on the same wavelength. hehehe.

wow, naisip mong mag-madre? galeng!

i wanted to be (in this order): a model (naks!), a ballerina, a doctor, an artist, an archaeologist and an architect ;-)
caryns last blog post..archaeology and architecture

witsandnuts Reply:

Tiningnan ko ang huling panulat mo at tama ka, pareho yata tayo ng iniisip kahapon. Nakakatuwa. :) Haha, nasorpresa rin ako sa sarili ko na naisipan (at seryoso pa) ko palang maging isang madre.

Interesante rin ang kasaysayan ng mga naging pangarap mo, lalo na ang pagiging balerina. ;)

jeanny 08.09.08 at 7:27 pm

kagagaling ko lang sa LJ ni caryn at pareho nga kayo ng tema…kakatuwa nga.

ako…noong bata ako, nais kong maging writer (sa pelikula), nais ko ring maging theater actress, gusto ko rin maging journalist, nais ko ring maging engineer o kaya designer. :)
jeannys last blog post..Chocnut forever

witsandnuts Reply:

Halos pareho nga ang paksa nami ni Caryn. Ito ang naisip kong isulat para sa aking lingguhang Kwentong Kayumanggi:) Uy, aktres sa teatro! Nakakatuwa naman. Masarap balikan yung mga naging pangarap natin at isipin kung sinu-sino ang mga naging impluwensya natin.

ReD 08.18.08 at 2:50 am

natawa ako sa dalawang bagay…

Una, yung kagaya ng kinatuwaan mo… Pag naging Akawntant ba ay mayaman? Bakit ako, hindi!!!! hehehe

Pangalawa, meron bang doktor na hindi manggagamot? hehehe…

ReDs last blog post..I’m So Sick… =(

witsandnuts Reply:

May mga doctor na ngayon na nagqquit sa panggagamot. Hindi ko lang matrace yung URL ng doctor na umalis sa practice para maging full-time blogger. Nafeature sya sa New York Times. :)

ReD Reply:

Really, never thought of that… Sa bagay, baka medicinal blogging. hehehe

ReDs last blog post..I’m So Sick… =(

witsandnuts 08.19.08 at 4:33 pm

Haha, oo nga di naman lahat ng Accountant yumayaman. Hey, darating din ang panahon para sa iyo. Malapit na ang pagyaman mo. :)

ReD Reply:

Ms. Jo, parang madam auring. hehehe… hayz sana nga. lol.

ReDs last blog post..I’m So Sick… =(

witsandnuts 08.21.08 at 6:06 pm

I found the link to the doctor turned full-time blogger: http://www.nytimes.com/2008/07/21/technology/21blogger.html?_r=1&sq=doctor%20who%20went%20on%20full%20time%20blogging&st=cse&adxnnl=1&oref=slogin&scp=5&adxnnlx=1219341826-qFpfesEvGS+/ElodYg7hLQ

Hey, don’t like Madam Auring. ;) Basta keep the faith. The best things are about to come your way!

glenville 09.26.08 at 3:18 am

haha! natawa ako sa reason kung bakit bs accountancy ang natapos mo. :-)
glenvilles last blog post..He Has Spoken

witsandnuts 09.26.08 at 6:21 am

Haha, nakakatawa ‘no? But that’s the truth!

Leave a Comment

You can use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>

Older post: Galler Chocolat-The

Newer post: Finally I’m plurking

Personal - Top Blogs Philippines Page copy protected against web site content infringement by Copyscape