Isang buwan na ang nakakaraan nang may nakasabay akong Filipina sa pila sa kahera (cashier) nang Carrefour (isang malaking supermarket sa UAE). Nagtaka ako dahil sandamakmak (napakadami talaga) na sabong Lux ang kanyang pinamili at kasalukuyang binabayaran noon. Inisip ko na paborito niya ang brand nang sabong iyon o kaya naman ay may ari siya nang isang paupahang gusali at eksklusibo ang sabon na ginagamit doon.
Habang nasa pila, tumingin siya sa akin at nginitian ako. Hindi ko napigilan na magtanong, pero hindi naman ako tsismosa, mahilig lang ako mag obserba.
Ako: Bakit ang dami mong biniling sabon?
Siya: Uuwi kasi ako sa Pilipinas.
Ako: Pasalubong?
Siya: Oo (sabay ngiti).
Ako: Bakit puro sabon?
Siya: Para mura lang pambigay sa mga kamag anak.
Ako: Hindi ba mayroon din sa ating ganyang sabon?
Siya: Iba ang Lux na sabon dito.
Ako: Mas mabango?
Siya: Hindi naman. Arabic kase ang nakaimprenta sa balot nang sabon. Imported.
Ako: Aaaah.
Bigla akong napaisip. Sa totoo lang, hindi naman lahat ng lahi ay sanay na magpasalubong. Pero likas na sa mga Filipino ang maging maalalahanin. Ang mga pamilyadong tao, pagkagaling sa trabaho ay nag uuwi nang munting pasalubong sa madadatnan sa bahay, ang mga nanggaling sa out-of-town assignment, may dalang pasalubong sa mga kaopisina, at iba pa.
Noong nandito na ako sa Gulpo, nagbakasyon ang isang kaopisina (ibang lahi) ko sa Singapore at ang iba pa sa kanilang bansang sinilangan. “Ano ang iyong ipapasalubong sa pamilya at mga kamag anak mo?”, tanong ko. “Wala”, sagot niya. “E, ano naman ang ipapasalubong mo sa mga malalapit mong kaibigan pagbalik mo dito?”, tanong kong muli, “Syempre, lalong wala”, sagot nya. Oo nga naman. Tinitigan niya ako at sinabing, “we just come and go, we don’t bother to bring and receive anything.”
Praktikal sila. Pero para sa mga Filipino, galing man sa ibang bansa o hindi, ito ay isang kaugalian na para bang napakalaking kasalanan kung dadating ka na wala kang bitbit man lang. Bigla ko tuloy naalala ang mga kamag anak at kaibigan ko na nagbigay nang pasalubong sa akin. Ang isang tiyahin ko na nanggaling sa Italya, binigyan ako nang napakalaking garapon ng Nutella. Naisip ko mayroon din naman noon sa Pilipinas. Pero iba ang lasa nang Nutella na galing talaga doon. At ang bigat nang garapon na kanyang dinala. Mayroon ding nagpasalubong sa akin ng sisidlan (bag), pantalon ( skinny jeans), at iba pa na hindi ko naman ginamit sapagkat hindi ko nagustuhan. Nakatago lamang ang mga ito sa aparador sa Pilipinas.
Sa tuwing naaalala ko ang kwento nang sandamakmak na sabong Lux, lumalambot ang puso ko. Nakukunsensya ako sa mga pasalubong na ibinigay sa akin na hindi ko nagustuhan. Ngayon ko naappreciate ang binuburo kong bag at skinny jeans. Naaalala ko si Kabayang mahilig sa sabong Lux. Sabi nga niya, iyon ang binili niya sapagkat iyon ay murang pasalubong (at syempre may sulat na ibang lengguwahe!) sa kagustuhan niyang mabigyan ang lahat nang kamag anak nya. Hay. Masuwerte ang mga taong walang limitasyon sa pananalapi, na mabibili niya kung anuman ang naisin niyang ipampasalubong. Sky is the limit. Subalit paano kung limited ang budget nila?
Lalo akong nakakarelate ngayon sa kwento ng pagpapasalubong nang ako ay nasa ibang bansa na. Sapagkat ako ay uuwi sa Disyembre para magbakasyon, ako ay nagsisimula nang maglista nang ipapasalubong ko sa mga piling tao. Iyon lamang maaalala ka at maisama sa listahan nang pasasalubungan ay nakakataba na nang puso. Doon mo pala marerealize kung sino ang unang naiisip mo at ang mga taong hindi mo magagawang kalimutan.
Kaya ikaw (at ako rin!), it doesn’t matter kung ano ang matatanggap mo. It’s really the thought that counts. Kaya nga ba, bibili na ako nang maraming maraming sabong Lux bilang preparasyon sa pag uwi ko. Heehee. Biro lang.
May naisip ka bang kwentong tungkol sa pasalubong? Ano ba ang magandang ipasalubong sa mga kamag anak, kaibigan, at iba pa?

{ 10 comments… read them below or add one }
Lorraine 08.16.08 at 1:13 pm
May naalala ako sa kwentong pasalubong. Noong isang araw, kinwentuhan namin yung bago naming kasama tungkol sa kaugalian natin na ‘to. Wala kasing ganto sa bansang pinanggalingan nya.
Sa tuwing ako ay may pagkakataong pumunta sa ibang lugar, pagkain, key chain o kaya magnet ang madalas kong iuwi at ibigay na pasalubong.
witsandnuts Reply:
August 17th, 2008 at 5:10 pm
Naghahanap nga ako ng something na may camel here. Di ko kase afford bumili ng camel, hehe. And kung sakali man, mahirap ibyahe.
nyel 08.16.08 at 2:17 pm
haha, na-experience ko pa mismong ma-overbaggage dahil sa sandamakmak na pasalubong! grabe, para sa mga kamag-anak, pamangkin, pinsan, mga kaibigan — yung maleta ko pumuputok sa pasalubong. :p masarap kasing mamili para sa mga minamahal no? kahit tipong masimot na yung wallet mo, o kaya magkandakuba ka na sa paghila ng mabigat na maleta. :p lol. pero magmula nun, iniba ko na ang style ko- imbes na onetime bigtym pasalubong shopping, inuunti-unti ko na ang pagbili hanggang sa maipon na lang sila. at kung maging masyado mang mabigat, ishi-ship out ko na lang.
witsandnuts Reply:
August 17th, 2008 at 5:12 pm
Hahaha, naiimagine ko yung sinasabi mo na magkandakuba sa paghila ng maleta. Nangyari sakin yan during a local trip dahil din sa pasalubong. Galing yata ako sa Baguio nun. May mga nagpabili pa sakin noon ng walis tambo, haha.
ReD 08.16.08 at 5:12 pm
Ang family friend namin na nakatira naman ngayon sa Qatar, ang pasalubong niya sa amin eh CAMAY na sabon. Sa totoo lang, naisip ko din yang tinanong mo… pero syempre sa sarili ko lang, bakit kaya CAMAY na sabon eh samantalang meron naman dun dito. Sabi ko sa sarili ko, kapag ako ang nagpunta sa ibang bansa, di ako magpapasalubong ng mabibili ko din naman sa Pinas, kasi parang di ko din nakuha ang thought… Kung ganun din bibilin ko, sa Pinas na lang tapos ipamimigay ko… Kaso ngayon naisip ko din naman, sa dami nga ng tao na gusto mo pasalubungan, hindi mo rin naman masasabi na talagang native sa lugar na pinanggalingan mo ang mabibili mo… Nakakatawa pero iyan ang realidad para sa mga normal na taong tulad natin… hehehe…
Nung ako ay naassign sa Indonesia, halong saya at lungkot ang naramdaman ko… Hehehe… Bakit? Hindi ko alam kung matatawa kayo o hindi pero hirap na hirap ako… Kasi, isa itong bilaang engagement. Wala akong kapera pera nun kasi katatapos lang ng pasko. Di ko naman naintindihan kung bakit ang liit ng per dime ng Company eh out of the country nga yon. Sa kagustuhan kong mabigyan ang mga kaibigan ko at kakilala mula mga klasmeyts nung college hanggang mga kaopisina, isama pa natin ang mga kamaganak. Wala akong ibang nabili kundi key chain. Wala naman akong magawa dahil kulang din sa budget. Isa lang nabili ko sa pamilya ko, hehehe… Isang pares ng manika ng mga Indonesia na ngayon ay nakadisplay sa sala ng bahay — tapos kinatatakutan pa ng mga pamangkin ko. Rama and Shita, di sila sanay sa hitsura ng mga ito. hahaha
Kung wala lang limitasyon, alam kong mas madami at mas kapaki pakinabang na mga bagay ang maiuuwi ko sa kanila. Sa bagay, wala din naman yun sa presyo kundi sa point na naalala mo sila habang ika’y naglalakbay sa ibang bansa.
witsandnuts Reply:
August 17th, 2008 at 5:14 pm
Naks, extended friendship ha simula nung kakilala nung college. Joke! Alam mo magpa ka OA nga yung listahan ng pasasalubungan ko. Pati dentist ko, atbp. eh kasama hehe. Nakakatuwa naman yung mga manika na pasalubong, medyo scary pala ang dating.
ReD Reply:
August 18th, 2008 at 2:35 am
hahaha… di naman talaga scary. kaso di sanay ang mga bata… kasi syempre nasanay sila sa mga barbie at mga manika dito na binebenta. hehehe. Ey manikang kahoy yun na hitsura ng dyosa at diyos sa indonesia. hehehe…
ReDs last blog post..I’m So Sick… =(
witsandnuts Reply:
August 18th, 2008 at 4:28 pm
Haha, hindi kase nasanay ang Pinoy kids sa manikang kahoy. Wala pa yata ako nakitang ganun. Collector items yang nabili mo.
ReD 08.16.08 at 5:12 pm
naku napahaba ata reply ko, parang nagpost na din ako. hehehe…
pasensya na po ms jo. ^_^
ReDs last blog post..I’m So Sick… =(
witsandnuts Reply:
August 17th, 2008 at 5:16 pm
Ok lang, no!
Ang ganda nga nang kwento mo eh. Dami talaga tayong naaalala pag tungkol sa mga pasalubong. 
Nica 08.17.08 at 4:05 am
When I was 10 yrs old, I went to the US for sem break. I spent 1/4 of my money for pasalubong for ALL my classmates. It was so funny. I got them stuff like marshmallows, candies, books, lip gloss, etc.
But I love pasalubongs! Theyre so fun!
Nicas last blog post..Ganado!
witsandnuts Reply:
August 17th, 2008 at 5:17 pm
Lipgloss, that’s too cute for a pasalubong from a ten-year old gal. ;
BlogusVox 08.17.08 at 5:18 am
Pasalubong? Noong binata pa ako, kandaugaga ako sa kabibitbit nyan. Pero ngayon pera nalang ang binibigay ko sa mga pamangkin. Si mrs. binabantayan ang “sales” sa Debenhams at Mark&Spencers. Eh talaga namang bagsak presyo kaya halos pakyawin ang t-shirts. Kahit malayo pa ang bakasyon namin, iniipon nya ito at pinapasalubong sa kanyang kamag-anak.
witsandnuts Reply:
August 17th, 2008 at 5:19 pm
Ganyan ang payo sakin nang ibang kaopisina ko, pakonti konti nga daw silang namimili. Kaya sinisimulan ko na din, pag may nakikita akong magugustuhan or bagay sa isa sa mga taong nasa listahan ko binibili ko na agad. Ang hirap kase pag isahang pamimili lang.
ReD 08.18.08 at 2:37 am
nga pala, to add… yung tita ko pag nagsale sa mall, sobrang namimili na sila at iniipon na yun isa isa. Naalala ko, dalawang kahon ng sapatos inuwi nya kasi nagsale sa nike… Kaya ayun lahat ng kamaganak at pat kapitbahay may sapatos. hahaha…
ReDs last blog post..I’m So Sick… =(
witsandnuts Reply:
August 18th, 2008 at 4:26 pm
Actually, okay talaga dito pag nagsi-sale. Laki ng bawas sa presyo. Naks,daming shoes na pinamili nya ah. May mga konti na rin akong pinamili nung sale sa Nine West months ago. Feeling ko nga hindi ko na magiging pasalubong yung iba, gusto ko rin kase hehe.
caryn 08.18.08 at 5:46 am
wahahaha! in tokyo naman it’s ramen. yung nissin na seafood. they swear iba raw ang lasa kesa sa atin.
ako rin, i’ve started to to shop for our trip home in december
caryns last blog post..ikaw kaya?
witsandnuts Reply:
August 18th, 2008 at 4:30 pm
Sa tingin ko nga iba yung ramen na galing Japan. Iba kase talaga pag dun nag originate.
Yay, uwi ka din ng December! Heehee, as if naman magkikita tayo sa airport.
rhea 08.18.08 at 5:35 pm
pasalubong pasalubong…ako ata ang reyna dyan…hehe..:)
sa tuwing magbabakasyon ako dito sa america at uuwi sa pilipinas…ang hand carry ko ay isang maletang punong puno ng tsokolate. bawat isang kaibigan may isang tsokolate at may plus ballpen, lipgloss, keychain at kung ano-ano pa. di bale ng maiwan ang mga damit ko, wag lang ang mga pasalubong na pinamili ko at kung kinakailangan na dayain ko ang timbang ng hand-carry ko gagawin ko..maiuwi lang lahat ng binili ko para sa mga kaibigan at kamag-anak…
naalala ko nung huling beses ng umuwi ako…may bitbit akong hand carry at backpack…punong puno ng pasalubong ang mga iyon..pero dahil tinitimbang nila ang handcarry mo (15 lbs. max lang dapat) may bitbit akong maraming plastik at ilalagay ang mabibigat na tsokolate muna doon, itatago sa isang tabi bago ko ipatimbang ang maleta ko…at para akong ewan na nageempake ng mga inialis kong tsokolate pagkatapos maitimbang ang handcarry ko sa mismong boarding area…hahaha…at dahil busy ako sa pageempake ay nakalimutan ko ang aking ipod sa boarding area dahil male-late na ako sa pagpasok sa eroplano…buti nalang at naalala ko ang ipod ko nung nasa eroplano nako at awa ng Diyos ay naroon parin sya sa lugar na napagiwanan ko…muntik nako himatayin sa takot nun…nakasakay nako sa eroplano nung naalala ko at kinausap ko ang mga flight attendant na kelangan kong bumaba dahil nawawala ang ipod ko..
nangyari yun NG DAHIL SA PASALUBONG!!!
rheas last blog post..real love
witsandnuts Reply:
August 19th, 2008 at 4:28 pm
Grabe, halos mawala pala iPod mo nun di mo na naikwento last time hehe. Naalala ko pa yung pasalubong mo samin, especially yung sakin, chocolates, keychain and that precious book.
Kakatouch kase lahat kame meron at may name labels pa!
rhea Reply:
August 19th, 2008 at 4:40 pm
masarap sa pakiramdam ang makita ang mga ngiti sa mga mukha ng mga taong binibigyan mo ng pasalubong…at tama si odette…mortal sin ang walang pasalubong..lolz
odette 08.18.08 at 7:49 pm
mortal sin po ang walang dalang pasalubong na umuuwi. hindi masyadong warm ang welcome. totoo. kaya kahit mabigat, magastos at nakaka-stress mag-isip kung ano ang dapat bilhin, nagpapasulobong pa rin ako. pinoy na pinoy.
odettes last blog post..let’s go to howth, part 2
witsandnuts Reply:
August 19th, 2008 at 4:30 pm
Tradisyon na talaga ang pagpapasalubong. Tama ka, nakakastress nga mag isip ng ipapasalubong. Naobserbahan ko yung mga kaopisina ko na umuwi, kahit all packed na last minute ang dami pa palang dapat bilhan ng pasalubong. Magastos pero masaya.