mtr TST station

Pagpapatuloy ng kwento mula sa pagbisita sa:
Victoria Peak
Hong Kong Disneyland
Hong Kong Ocean Park

Ang pinaka inabangan ko sa pagbisita sa Hong Kong ay hindi ang pamimili (shopping) kundi ang pagtikim ng mga pagkain dito. Nang oras na lumapag ang eroplano sa paliparan ay nasambit ko, “Sa wakas, makakatikim na rin ako ng totoong Chinese food.” Naglipana ang mga Tsinoy na kainan sa Pilipinas at ibang bansa. Subalit nananalaytay ang kaisipan na ‘mas masarap ang adobo at kare kare kapag talagang luto sa Pilipinas’. Kung saan iba pa rin ang curry na luto sa India, shawarma sa Gitnang Silangan, at iba pa.

tst fruits 2
(May masarap na fresh fruit juices malapit sa Charlie Brown Cafe)

Sa ilang araw na pagbisita namin sa Hong Kong, partikular na sa Tsim Sha Tsui, ang mga sumusunod ang ilan sa nagustuhan ko, ang iba rito ay hindi naman katutubong pagkaing Tsinoy:

(a) Noodles mula sa Traditional Chinese Noodle

traditional noodle house front

Sari saring noodles ang matitikman mo sa bansang ito. Subalit ang pinaka nagustuhan ko ay ang luto mula sa Traditional Chinese Noodle.

traditional chinese resto 1

Maaari kang mag order ng basic noodle at ikaw ang pipili ng mga panlahok. Ang inorder ko ay pinalagyan ko ng fishballs, bituka ng baboy (pork intestine), century egg, at taba ng alimasag (crab meat). Pwede itong ihapag bilang normal na lasa, medyo maanghang (medium spicy), at sobrang maanghang (hot and spicy).

noodle of the house

Medyo maanghang ang noodles na kinain ko. Grabe, ang sarap ng kombinasyon. Medyo sinipon nga lang ako sa anghang. Pero panalo talaga ang lasa. Masarap.

TST food trip street
(Nagtitinda ng kastanyas si Manong sa harap ng Bella fashion store)

Ang Traditional Chinese Noodle ay matatatagpuan sa kalye ng Hau Fook. Mula sa kanto ng Park Hotel, dumiretso at kumanan. Sa kalyeng ito ay mabuting mag food trip.

wrong spelling

May Vietnamese resto na hindi ko pinasok sapagkat mali ang pagbaybay (wrong spelling) sa karatula (signage). Haha. Ang totoo nyan, pangkaraniwan ang pagkakamaling ganyan dito.

crabs

Mabenta rin dito ang mga alimango na inakala kong mga kakanin dahil mukhang suman. Noong nilapitan ko ay mga buhay na alimango pala.

(b) Egg Tarts

sun yat restaurant TST

Madaming suki ang Sun Yat Restaurant. Isa sa pinaka dinudumog na paninda nila ay ang egg tart. Sa umaga pa lang ay ubos na ang mga tarts na ito.

chinese egg tart

egg tart seller
(Ang tindera at ang pinsan ko ang nasa larawan. Pinutol ko ang imahe nya sapagkat gusto nya ng certain level of anonymity, kagaya ko.)

Sa tingin ko ay swerte ang Tsinay na tindera nila. Siya ay masayahin at fashionista.

kfc with egg tart

Kung nais mo nang mas masarap na egg tart ay pumunta ka sa KFC. Mas mahal ng konti ang presyo nila pero sulit naman.

Subalit ang pinakamasarap na egg tart ay wala sa Hong Kong, kundi nasa Macau. (Ilalahad ko ang kwento sa Macau chronicles ko).

(c) Sopas mula sa KFC at Mc Donald’s

mc do hk macaroni soup

Kahit saan ka pumunta, mahirap talagang takasan ang halina ng Mc Donald’s breakfast meal. Maigi ring pantawid gutom ang mga fastfood outlets na ito para sa mga taong hindi gaanong mahilig manuklas (explore) ng pagkain.

kfc breakfast

Nagustuhan ko ang KFC at Mc Donald’s ng Hong Kong dahil sa kanilang handang sopas tuwing umaga. Hindi sopas ang pangalan nito sa menu. Subalit hindi ko na matandaan ang partikular na pangalan ng macaroni variation na ito. May kamatis ang sa KFC, sa Mc Donald’s naman ay may green peas na may nakapatong na patty. Makaiba pero parehong masarap.

(d) Suckling pig and shrimp soup mula sa Guangdong Barbecue Restaurant

sucking pig 2

Hindi ko maintindihan kung bakit ito tinawag na barbecue restaurant. Wala naman silang gaanong tindang barbecue. Ang best seller nila ay ang suckling pig. Masarap. Okay din ang shrimp soup. Half-cooked nga lang ang pagkakaluto.

shrimp soup

Hindi ko makakalimutan ang serbisyo nila. Inabot kasi kami ng 48 na taon bago naintindihan ang order namin. Kahit na binigyan na kami ng English menu, extra challenge ang inabot namin sa pag order. May kasama pang aksyon iyon. Hindi kasi marunong makaintindi ng Ingles ang lahat ng empleyado nila, bukod sa Manager. Mabuti na lang nandoon siya. Kung hindi lilipat na sana kami ng kakainan. Kundi lang magdanda ang feedback sa suckling pig nila. May kamahalan rin ang presyo ng mga tinda nila kumpara sa ibang kainang Tsinoy.

(e) Potato Swirl

swirled chips from ocean park

Kapag nagawi kayo sa Ocean Park, huwag nyong kalilimutang tikman ang pulu-pulupot (swirl) na patatas na ito. May iba ibang flavor, gaya ng curry, barbecue, at iba pa.

(f) Pagkaing Kalye

hk streetfood vendors

Eksakto sa pagbisita ko sa HK ay ang balita na may bird flu raw dito. Parang noong unang beses kong nadestino sa Baguio (para sa 2 linggong trabaho), kasagsagan ng SARS noon kaya naman naka maskara ako araw araw. Pero dito sa HK, hindi na ako nag maskara. Para naman kasing dedma (walang pakialam) lang ang mga residente at turista. Kung magmamaskara pa ako ay baka masabihan naman ako na sobrang arte ko at hindi ako papasukin sa mga lugar pasyalan. Haha.

hk streetfood 3

Bukod sa kawalang takot ko na tumikim pa rin ng putaheng manok sa kabila ng alertong pangkalusugan, ay sumubok rin kami ng pagkaing kalye. Sa isang kanto sa Tsim Tsa Tsui pa rin, dinudumog ang isang tindahan ng mga pagkaing tinutusok.

hk streetfood 7

hk streetfood 6

hk streetfood 4

Hindi nakakaintindi ng Ingles ang mga tindera. Kaya tinanong ko ang isang magandang mamimili,

Ako: Malinis ba ang tinda nila? Safe bang bumili dito
Tsinay: Oo, wala namang nagrereklamo.
Ako: Anong masarap na bilhin? (May tinuro ako. Sa tingin ko
best seller yun, kase by batch ang luto) Yun, masarap ba yun?
Tsinay: Oo! Masarap yan.
Ako: Mukha nga, madaming bumibili nun. Ano kaya yun? Karne ng baboy o manok?
Tsinay: Hindi ko alam.
Ako: Hindi mo sigurado kung baboy o manok?
Tsinay: Hindi ko alam kasi hindi ko pa natikman eh.
Ako: Ah Okay. (Ang gusto kong sabihin, bakit nya sinabing masarap hindi nya pala natikman).

hk streetfood1

Suma total, bumili kami ng tofu at nang mukhang best seller. Para itong bituka ng baboy. Masarap. Kinabukasan, nag craved kami nito eksakto para sa midnight snack at bumalik sa tindahan. Sarado. May schedule pala sya.

(g) Hang Cheung’s Kitchen

dimsum

Kung kainang sosyal naman ang tipo mo, irerekomenda ko ang Hang Cheung’s Kitchen. Maganda ang lugar at risonable ang presyo kumpara sa iba. May kabagalan nga lang ang serbisyo.

gyoza

congee

fruit plate

Masarap ang kanilang steamed pork dumplings, abalone and pork congee (the best!), pan fried seafood, at pangkaraniwan naman ang lasa ng kanilang fresh fruit crepe at banana split.

(h) Korean Squid

korean squid

Ito ang numero uno sa aking listahan ng patok na mga pagkaing natikman ko sa ilang araw na pagbisita sa Hong Kong. Ito ay ibinebenta sa ilang kiosks sa Disneyland, kasama ang cotton candy, mushroom pie (sayang, hindi ko natikman) at kung anu ano pa.

Nagsisisi ako at hindi ko na-tsek sa mga tindahan sa Pilipinas kung mayroon sila nito. Nagdala sana ako ng marami pabalik rito. Habang sinusulat ko ito ay kasalukuyan akong nagsasaliksik kung saan makakabili nito sa Pilipinas, wala kasi nito sa UAE. Darating ang kaibigan ko dito sa Marso o Abril, at plano kong ipasama ito sa mga dadalhin niya para sa akin bilang kontrabando (pasalubong), bukod sa Eraserheads concert DVD, Meiji chocolates, at ilang pirasong anik anik at pampaganda.

Gusto kong bumalik sa Hong Kong kung may pagkakataon. Nakaramdam kasi ako ng sense of belongingness doon. Haha. Seriously, madami pa kasing dapat i-explore na pagkain, lugar, at ibang bagay.

Share/Save/Bookmark